VP Sara iisnabin uli SONA

MANILA, Philippines — Hindi pa rin dadalo si Vice President Sara Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa Hulyo 28.
Nagpaabot na ng mensahe ang Office of the Vice President (OVP) sa Kongreso at sinabing hindi siya magtutungo sa SONA.
Kinumpirma naman ito mismo ni House Secretary General Reginald Velasco at sinabing, “We received this note [from her office] that she won’t be attending this SONA.”
Tiniyak din naman ni Velasco na handa naman ang Kongreso na tanggapin ang Bise Presidente, sakaling magbago ito ng isip at dumalo sa aktibidad.
Aniya, bukod sa nakareserbang upuan, magtatalaga rin sila ng holding room para sa bise presidente at kanyang mga tauhan, dahil itinuturing anila itong isang institutional guest, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga mahistrado ng Korte Suprema.
“We are not excluding the possibility that she will attend,” aniya pa.
Sa mahigit 200 imbitasyon na ipinadala ng Kamara sa mga VIP at iba pang mga bisita sa SONA ay tanging si VP Duterte pa lamang ang nagpaabot na hindi makakadalo.
Kabilang sa inimbitahan si dating pangulong Rodrigo Duterte na nasa The Hague, Netherlands. Ang imbitasyon kay Digong ay ipadadala sa tahanan nito sa Davao City.
Noong nakaraang taon ay inisnab na rin ng VP ang SONA ng Pangulo.
Sinabi pa ng VP na itinatalaga niya ang sarili bilang ‘designated survivor,’ na naging kontrobersiyal at umani ng mga pagbatikos.
- Latest