Bomb threat sa eroplano isinulat sa rolyo ng tissue

MANILA, Philippines — Isang bomb threat na nakasulat sa rolyo ng toilet paper ang nadiskubre sa loob ng isang eroplano na kalalapag lamang sa Zamboanga International Airport nitong Sabado.
Ang sulat-kamay na salitang “may bomba” ay nakita ng isang cabin crew sa loob ng isa sa mga lavatory ng eroplano habang nagsasagawa ng routine inspection matapos makababa ang mga pasahero ng nasabing eroplano flight 5J 851 na galing Maynila dakong alas-8:20 ng umaga nitong Sabado.
Agad namang inireport ng flight attendant ang kanyang nakita sa ground security personnel na nagsagawa ng masusing inspeksyon sa naturang eroplano at walang nakitang anumang pampasabog o bomba sa loob ng eroplano.
“By 8:59 a.m., the situation was declared under control, and normal operations at Zamboanga International Airport resumed. All passengers were cleared for boarding, and flight activities continued without further disruption,” ayon sa pahayag ng CAAP.
Nagpaalala sa publiko ang CAAP na mapaparusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 ang anumang bomb threats, maging verbal o nakasulat o sa iba pang paraan ay isang krimen dahil sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga bomba o pampasabog.
- Latest