VP Sara humihingi ng P733 milyong budget para sa OVP sa 2026

MANILA, Philippines — Upang mailayo ang mga tauhan sa kahihiyan, sa pagharap sa mga mambabatas ay humihingi si Vice President Sara Duterte ng P733 milyong budget para sa kanyang tanggapan para sa susunod na taon.
Ito ay halos kahalintulad lamang ng naging budget na natanggap ng Office of the Vice President (OVP) noong taong 2025.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni VP Sara na nagsumite ang OVP ng P733 milyong budget proposal para sa taong 2026.
Nabatid na ang naturang budget proposal ay ang pinakamaliit na isinumite ng OVP sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Mas mababa rin ito sa P2.3 bilyon at P1.8 bilyon na natanggap ng OVP sa mga taong 2023 at 2024.
Ipinaliwanag naman ng bise presidente na hindi na sila nagtangka pang humingi ng mas malaking budget dahil inaasahan na nilang hindi naman ito mapagbibigyan.
Inamin na rin ng bise presidente na asahan nang dahil mas maliit ang budget nila ay mas kakaunti rin ang kanilang magiging proyekto.
Tulad aniya noong nakaraang taon na napilitan silang itigil ang ilang programang ipinagkakaloob nila dahil sa pagtapyas sa pondo ng OVP.
- Latest