Pangulong Marcos Jr. dedma muna sa Senado

MANILA, Philippines — Walang anumang pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa pinakahuling progreso sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang 18 senador ang pumabor sa mosyon nina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Bato Dela Rosa na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban sa bise-presidente.Habang lima naman ang naghayag ng pagtutol.
Sa isinagawang press briefing nitong Miyerkules, hindi naiwasang itanong kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang tungkol sa naging hakbang ng Senado sa kaso ni VP Sara.
“Kung ang Senado, may mga ilang senador na busy sa pagtatanggol sa procedure, at may mga senador na busy sa pagtatanggol sa Bise Presidente, ang Pangulo po ay busy sa pagtatrabaho,” saad ni Castro.
Kaya naman hindi niya nakikitaan ng negatibong epekto sa Pangulo ang magiging desisyon ng Senado hinggil sa impeachment trial ni VP Sara.
Samantala, bilang abogado, naniniwala naman si Castro na hindi nila mabatid kung ano ang tunay na adhikain ng mga senador sa pagbabalik nila ng article of impeachment sa Kamara at kung magreresulta ito ng constitutional crisis.
- Latest